Napadali ang pagtalakay ng Bicameral Conference Committee sa Marawi Compensation Bill matapos tanggapin ng Kamara de Reprsentantes ang bersiyon ng panukala ng mga Senador.
Ang naturang panukalang batas ay naglalayong bigyan ng kompensasyon ang mga pamilyang naapektuhan o nawasak ang mga tirahan o ari-arian sa nangyaring Marawi siege noong 2017.
Sa ilalim ng panukala, nakasaad na "any owner of a residential, cultural, commercial structures, and other properties in Marawi’s most affected areas (MAA) or other affected areas (OAA) who met the requirements is entitled to receive a tax-free compensation from the government."
Bubuo ng Marawi Compensation Board na tatanggap, susuri at magpoproseso ng mga aplikante para makakuha ng kompensasyon.
Ikinatuwa naman ni Deputy Speaker at Basilan Representive Mujiv Hataman, may-akda at nagsulong ng panukala, sa pagsunod ng Kamara sa bersiyon ng Senado dahil naiwasan ang mga debate sa magkakaibang probisyon.
Dahil dito, kailangan na lamang ratipikahan ng Kongreso ang panukala, at pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap na batas.
"Hindi sila [biktima] makakabangon at makakabalik sa kanilang mga buhaykung hindi natin sila tutulungang itayo ang kanilang mga bahay at palitan ang mga nasirang kagamitan," saad ng kongresista sa pahayag.
Ayon kay Hataman, nakasaad sa panukala na kukunin ang pondo para sa pagkakaloob ng kompensasyon mula sa budget ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
"Sana lang ay maging mabilis at maayos ang implementasyon ng batas na ito kung mapipirmahan na ng Pangulo," anang mambabatas. --FRJ, GMA News