Ilang food delivery riders ang nagpunta sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila para maghatid ng mga pagkain na inorder umano ni Commissioner Rowena Guanzon. Pero ang mga pagkain, hindi pala inorder ng opisyal o ng kaniyang mga tauhan.

Sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi nito na nasa anim hanggang pitong food delivery riders ang nagpunta sa Palacio del Gobernador, na main office ng Comelec sa Maynila.

Sa tweet naman ni GMA News' Tina Panganiban-Perez, sinabing nagkakahalaga ng P5,390 ang mga pagkain na inorder via app na gamit ang pangalan ni Guanzon.

Pero itinanggi rin umano ng tanggapan ni Guanzon ang naturang order, na huling araw na ngayon sa kaniyang trabaho matapos maabot ang retirement age.

Kamakailan lang, inihayag ng opisyal na miyembro ng 1st Division ng Comelec na pabor para disqualification ang boto niya sa disqualification case laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos.

Gayunman, hindi pa lumalabas ang resolusyon o desisyon sa kaso na gagawin dapat ni Commissioner Aimee Ferolino.

Inakusahan ni Guanzon si Ferolino na sadyang inaantala ang paglabas ng desisyon para hindi maisama ang kaniyang boto laban kay Marcos.

Itinanggi naman ni Ferolino ang paratang ni Guanzon at sinabing nais siyang impluwensiyahan ng huli sa paggawa ng desisyon.

Ayon kay Guanzon, dapat madiskuwalipika si Marcos dahil sa "moral turpitude" kaugnay ng hindi umano pagsusumite ng dating senador ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985.

Dati na itong itinanggi ng kampo ni Marcos.

—FRJ, GMA News