Huli sa CCTV ang naunsiyaming palit-pera modus ng isang lalaki sa isang tindahan sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules, isang bata raw ang nakakita sa ginagawa ng lalaki at nagsumbong sa tindera.

Itinanggi na raw ng lalaki na pinalitan niya ang pera pero mabilis siyang umalis nang mabulilyaso at sinabing babalikan na lang ang kaniyang order.

Panawagan ng cashier na isang working student sa suspek, "Kung ako man yung nabiktima niyo, malaki ang babayaran ko. Imbes na pambayad ko ng tuition iyon, ibabayad ko sa na-short ko sana."

"Sana po ay sumuko ka na po, pagbayaran yung mga kasalanang ginawa mo sa ibang tao," dagdag pa niya.

Naisumbong na ng may-ari ng tindahan ang insidente sa barangay at pulisya. Tinangka pa raw niyang habulin ang lalaki nang makita ang insidente sa CCTV pero hindi na niya ito inabutan.

Iniimbestigahan na ng pulis ang insidente. —KBK, GMA News