Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Corrections (BuCor) na magbigay ng pabuya para sa ikadarakip ng dalawang bilanggo na nakatakas mula sa maximum security compound ng New Bilibid Prison.

Nitong nagdaang Enero 17,  nang pumuga sa kulungan ang apat na preso na sina Pacifico Adlawan, Arwin Bio, Chris Ablas at Drakilou Falcon, na pawang nakulong dahil sa mga kasong pagnanakaw at pagpatay.

Makalipas ng ilang oras, napatay ng mga tumutugis na awtoridad sina Bio at Adlawan. Habang tuluyang nakatakas naman sina Ablas at Falcon.

Napag-alaman na may kinakaharap pang kaso si Falcon na double murder, frustrated murder, attempted murder, and robbery.

BASAHIN: Preso na malapit nang lumaya, binaril umano ng mga presong pumuga sa NBP

Parehong reclusion perpetua ang hatol sa dalawa.

“I have also suggested to the BuCor to consider offering a monetary reward to any person who could provide information that would lead to a successful re-arrest of these fugitives,” sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga mamamahayag.

Sinabi ni Guevarra na mahirap mahanap ang mga tumakas dahil lahat ng tao ay nakasuot ng face mask ngayon dahil sa coronavirus pandemic.

“Each day that passes makes the task of recapturing these escapees more difficult. But the BuCor tracking team is relentlessly hunting them. They have coordinated with some LGUs and our Coast Guard,” anang kalihim.

Sa kabila nito, nanawagan si Guevarra sa mga pugante na sumuko na.

“I am also calling on these escapees to voluntarily turn themselves in at the nearest police station because the long arm of the law will soon catch up with them, wherever they hide,” mensahe niya. — FRJ, GMA News