Isinama ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang Pilipinas sa mahigit 100 bansa at teritoryo na nasa listahan nila ng "Level Four" o "very high" ang dami ng COVID-19 cases.

Bukod sa Pilipinas, nadagdag din sa naturang listahan ang Mexico, Brazil, Singapore, Ecuador, Kosovo, at Paraguay.

Dahil dito, inabisuhan ng US CDC ang kanilang mga kababayan na iwasan munang bumiyahe sa nasabing mga bansa dahil sa mataas ng kaso ng COVID-19.

Nitong Lunes, nakapagtala ng Department of Health ng 14,546 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Habang nasa mahigit 190,000 naman ang active cases, bagaman mas mababa na ito kumpara sa nakalipas na mga araw na mahigit 200,000.

Isinama rin ng US sa kanilang "Level Four: Very High" list nitong Lunes ang Anguilla, French Guiana, Moldova, Saint Vincent at Grenadines. --FRJ, GMA News