Nasagip ang ilang exotic na hayop tulad ng buwaya, sawa at eagle owl na ilegal na ibinibenta online sa Caloocan City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing kabilang sa exotic animals na nasagip ang isang ball python, Burmese python at saltwater crocodile na stressed na, ayon sa beterinaryo.
Kinilala ang suspek na si Axel John Barilo, na nahuli sa buy-bust operation sa lungsod nitong Martes ng gabi, para masagip ang mga exotic na hayop.
Kasama rin sa mga nasagip ang isang eagle owl, na ibinibenta ng suspek online.
"Marami-rami pa rin po na mga nanganganib po na mawala na mga hayop katulad nga po ng na-rescue na eagle owl. 'Yung eagle owl medyo nanghihina na po siya at meron po siyang sugat sa pakpak," sabi ni Police Chief Master Sergeant Benito Lozano Jr. ng Philippine National Police - Maritime Southern NCR.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, na nahaharap sa inquest proceedings para sa paglabag ng RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News