Binaril at napatay habang nasa tapat ng kaniyang bahay ang isang dating pulis sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Richard Ramos.

Ayon sa kaanak ng biktima, mabait si Ramos kaya hindi dapat pinatay. Mayroon daw itong apat na anak na babae na mga bata pa na kailangan ng magulang.

Kuwento pa niya, nakaupo sa tapat ng bahay ang biktima at nagte-text nang dumating ang mga salarin.

"Nagte-text po siya. Pag-ganyan po niya [tumingin sa itaas] binaba po niya yung face mask niya sabay na po siyang pinaputukan sa mukha," umiiyak na pahayag ng kaanak.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sakay ng van ang mga salarin.

Tatlo umano ang bumababa mula sa van na may takip ang mga mukha pero marami pa umano ang nakasakay sa loob.

Isinugod pa sa ospital si Ramos pero hindi na siya umabot nang buhay.

Ayon sa pulisya, dating pulis na nag-AWOL [absent without leave] si Ramos.

Iniimbestigahan pa kung may kinalaman sa dati niyang trabaho o may nakaaway ang biktima kaya siya pinatay. --FRJ, GMA News