Ilang guro, kabilang ang isang assistant principal, ang nabiktima umano ng phishing scam at nakuhanan ng pera sa kanilang bank account ng mula P900 hanggang P200,000.
Ayon sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kabilang sa mga nabiktima at nawalang P100,000 si Marlene Garcia, assistant principal ng San Matias National High School sa Sto. Tomas, Pampanga.
Ang naturang pera ay pampagamot daw sana at pambayad ng utang.
Kuwento ni Garcia, may nagpadala sa kaniya ng email na may pangalan at logo ng kaniyang bangko noong nakaraang December 26.
Nakasaad umano sa email na kailangan ni Garcia na i-update ang kaniyang bank account para sa dagdag na seguridad.
Sinunod niya ang proseso na nakasaad sa email at nag-log-in sa kaniyang online bank account.
Sinubukan daw niyang ipasok ng tatlong ulit ang kaniyang one time pin (OTP) pero naging invalid.
Pero hindi nagtagal, nakatanggap siya ng email mula sa bangko na nagsasaad na naglipat siya ng P50,000 sa ibang bank account. Naulit daw ang mensahe pagkaraan ng ilang minuto ng panibagong P50,000.
“Sana’y makonsensya na lang sila tapos matulungan na lang din kami ng servicing bank namin at ng DepEd (Department of Education) para kahit papaano eh mapigilan,” hiling ni Garcia.
Ipinaalam daw kaagad ni Garcia sa kaniyang bangko ang nangyari pero naghihintay pa raw siya ng resulta ng imbestigasyon.
Ayon sa Teachers Dignity Coalition (TDC), nasa 20 guro ang naging biktima ng naturang scam sa payroll account sa LandBank.
Karamihan umano ng mga nabiktimang guro ay mula sa National Capital Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol region, at Western Visayas.
Umaabot umano ng mula P900 hanggang P200,000 ang nakuha sa mga biktima.
Sa isang pahayag, nilinaw ng LandBank na hindi na-hacked ang kanilang sistema. Sa halip, ang nangyari ay hindi awtorisadong transaksiyon sa panig ng mga guro.
“According to the initial investigation by LandBank, the devices of the teachers were hacked via phishing which compromised their personal information,” ayon sa bangko.
Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation kaugnay sa iba pang insidente ng phishing scam sa mga bank account. --FRJ, GMA News