Sibak sa puwesto ang isang superintendent at limang jail guards sa maximum security compound ng New Bilibid Prison matapos na matakasan sila ng apat na bilanggo noong Enero 17, 2022.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, na inalis na sa kaniyang puwesto si Superintendent Arnold Guzman.
Kabilang sa iniimbestigahan sa nangyaring jail break ang posibilidad ng sabwatan ng ilang jail guards at nakatakas na bilanggo.
Kinilala ang mga presong tumakas na sina Pacifico Adlawan, Arwin Bio, Chris Ablas at Drakilou Falcon, na pawang may mga kaso tungkol sa robbery at pagpatay.
Sa pagtugis ng mga awtoridad, napatay sina Adlawan at Bio, matapos umanong manlaban.
Patuloy namang hinahanap sina Ablas at Falcon.
Isang preso rin na malapit na umanong mabuno ang sentensiya o malapit nang lumaya ang namatay matapos barilin ng mga tumakas na preso.
Tumanggi umano ang biktima na buksan ang gate kaya siya binaril ng mga kapwa-bilanggo.
Tatlong jail guard din ang nasaktan sa nangyaring insidente. — FRJ, GMA News