Walang pasok sa mga eskwelahan--public at private schools-- sa Maynila simula sa Enero 14 hanggang 21, 2022, matapos magdeklara ng "health break" si Manila Mayor Isko Moreno dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Moreno na walang pasok sa lahat ng antas ng eskwelahan para mabawasan ang alalahanin ng mga guro, mag-aaral at mga magulang bunga ng tumataas ng kaso ng COVID-19.
“The city of Manila declares a health break starting tomorrow January 14 to 21, wala pong pasok, whether online or physical classes, all levels para magka-health break naman ang lahat,” anang alkalde.
“Mabawasan ang anxiety level ng teacher at makapagpahinga ang mga teacher. I know most of them doing online despite infection, makapagpahinga ang mga guro at yung mga magulang mabawasan yung anxiety level nila na umaabsent yung kanilang anak sa online class kasi infected ang kanilang anak sa COVID-19,”patuloy niya.
Umaasa si Moreno na makatutulong ang isang linggong health break upang makabawi ang mga guro, mag-aaral, at mga magulang na nakaranas ng sakit.
Pista ng Sto. Niño
Samantala, pinirmahan din ni Moreno ang Executive Order No. 4 Series of 2022, na nagbabawal ng public gathering kaugnay sa nalalapit na selebrasyon ng kapistahan ng Santo Niño.
Kabilang sa ipinagbabawal ang mass gatherings na katulad ng prusisyon, street party, stage shows, parada, street games, at “ati-atihan.”
“Sa ating mga deboto, magsama-sama na lang po tayo sa bahay, maghawak-hawak ng kamay bilang pamilya, manatili tayong manalig at kumapit sa Diyos at magdasal sa kapistahan ng ating mahal na Sto. Niño,” payo ng alkalde.
Sinabihan din ni Moreno ang mga barangay official na huwag magdaraos ng mga palarong kalye sa kani-kanilang nasasakupan.
Magpapatupad ng liquor ban sa lungsod kaugnay ng naturang selebrasyon.
24 hours vax drive-thru
Sinabi rin ng alkalde na bukas ng 24 oras ang vaccination drive-thru para sa four-wheel vehicles sa Quirino Grandstand sa Rizal Park simula sa Biyernes.
“We decided tomorrow, simula 12 a.m. mamayang madaling araw, ang booster vaccination drive-thru caravan ng City of Manila will be made available 24 hours,” ayon sa alkalde.
Dapat lang dalhin ng magpapabakuna ng booster shot ang kanilang vaccination card.
“Hindi na kayo kakabahan baka ma-cutoff kayo. This is our first day and we went beyond doon sa minimum requirement. Dahil sa mabilis na pagtugon ng tao, ito naman ang respond ng gobyerno ng Maynila na yakapin kayong lahat hangga't kaya namin kayong yakapin,” ayon kay Moreno.
Sinabi ni Moreno, na sapat ang supply ng COVID-19 vaccines ng Maynila katulad ng Pfizer, Moderna, Johnson & Johnson, AstraZeneca, at Sinovac.
Paliwanag ng alkalde, "first come, first served" basis ang serbisyo sa vaccination site. —FRJ, GMA News