Tatlong tao ang patay, at apat na iba pa ang sugatan sa walang habas na pamamaril ng isang lalaki sa isang street party sa Makati City nitong Sabado.
Sa ulat ni Ralph Obina sa Super Radyo dzBB, kinilala ng Makati City Police ang biktimang sina Raymond Libaton, 52-anyos; at Petreño del Rosario, 50, na agad na nasawi sa pamamaril ng suspek.
Dead on arrival naman sa ospital ang anak ni Libaton na si Francis Lloyd, 21-anyos, matapos tamaan ng ligaw na bala.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng scooter ang suspek na si Roderick Perez at ang kaniyang anak na babae, nang mapadaan sila sa isang grupo ng mga tao na nagkakasiyahan sa isang kalye sa Barangay Rizal.
Nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng suspek at ilang kasali sa street party. Gayunman, napakalma ng mga residente sa lugar ang kaguluhan.
Ayon sa mga awtoridad, umuwi ang suspek, ngunit bumalik sa street party ilang saglit lamang at bigla na lamang walang habas na namaril gamit ang kaniyang .45 hand gun, na sanhi ng pagkasawi ng tatlong biktima.
Sugatan ang apat na iba pa, kabilang ang asawa ni Raymond.
Agad namang sumuko sa pulisya si Perez, na posibleng maharap sa reklamong multiple murder at multiple attempted murder. —LBG, GMA News