Mula sa kasalukuyang Alert Level 2, isasailalim sa mas mahigpit na Alert Level 3 ang Metro Manila simula Enero 3 hanggang 15, 2022 dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa press briefing sa Davao City, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles, na ang pagbabalik sa Alert Level 3 ay napagdesisyunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) dahil inaasahan na dadami pa ang mahahawahan ng virus sa mga darating na araw.
Mataas din umano ang posibilidad na magkaroon ng local transmission ng Omicron variant.
Nitong Biyernes, inihayag ng Department of Health na 10 na kaso ng Omicron variant sa Pilipinas--tatlo ay local cases, o hindi lumabas ng bansa ang mga pasyente.
Dalawa sa local Omicron variant ay mula sa Bicol at isa ay sa National Capital Region.
Sa ilalim ng Alert Level 3, papayagan ang ilang establisimyento na mag-operate ng hanggang 30% indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated individuals.
Hanggang 50% naman sa outdoor venue capacity, pero kailangan na fully vaccinated ang mga empleyado.
Ngayong Biyernes, 2,961 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19.
Noong lang nakaraang Lunes, Disyembre 27, nasa 318 lang ang new daily cases. Umangat ang bilang sa 421 noong Martes, at sumirit sa 889 noong Miyerkules, at 1,623 nitong Huwebes.
Noong Nobyembre inilagay sa Alert Level 2 ang Metro Manila nang bumaba ang COVID-19 cases sa rehiyon.— FRJ, GMA News