Iniutos ng Muntinlupa Regional Trial Court na palayain na ang Pinoy na nakakulong sa New Bilibid Prison dahil sa pagpatay sa isang Army Colonel ng United States na si James Rowe noong 1989.
Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing kinatigan ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang writ of habeas corpus na inihain ng kampo ng bilanggong si Juanito Itaas, ang itinuturing longest detained political prisoner.
Hinatulan ng korte noong 1991 na makulong si Itaas ng hanggang 39 na taon dahil sa pagpatay kay Rowe noong 1989.
Nangyari ang pamamaril kay Rowe sa panulukan ng Tomas Morato Street at Timog Avenue sa Quezon City. Nasugatan din ang driver niya na si Joaquin Vinuya.
Naaresto kinalaunan si Itaas sa Davao City, umamin na siya ang bumaril sa mga biktima na nasa sasakyan nang mangyari ang insidente.
Pero sa pagdinig ng kaso, sinabi ni Itaas na pinahirapan siya ng mga dumakip sa kaniya sa Davao City kaya inamin niya ang krimen.
Pinagbantaan din umano siya para aminin ang sworn statements ng Central Intelligence Service officer.
Nang panahon iyon, inaakusahan si Itaas na miyembro ng New People’s Army.
Noong taong 2,000, kinatigan ng Korte Suprema ang hatol na guilty laban kay Itaas.
Ayon sa Muntinlupa court, mahigit 30 taon nang nakakulong si Itaas. Nakalikom na rin umano si Itaas ng 29 taon na mula sa kaniyang Good Conduct Time Allowances.
Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na naghain ang Office of the Secretary General ng motion for reconsideration sa desisyon ng korte.
“As I have said earlier, the Supreme Court has the final say on any and all issues of constitutionality. The OSG has filed an MR in the RTC. it is ready to challenge the trial court’s ruling all the way up,” ayon sa kalihim sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag.
“The DOJ crafted the revised implementing rules and regulations of the GCTA law in accordance not only with the letter but more so with the spirit of the law,” dagdag niya. — FRJ, GMA News