Binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagtakbong senador sa Eleksyon 2022.

Ang pag-atras ni Duterte ay nangyari sa kaparehong araw na binawi rin ni Senador Christopher "Bong" ang kaniyang COC sa pagtakbong pangulo sa darating na halalan.

"The President has filed his withdrawal from the Senatorial elections," pahayag ni Comelec spokesperson James Jimenez sa isang tweet.

Una rito, inirekomenda ng PDP-Laban wing ni Energy Secretary Alfonso Cusi, na maging vice presidential bet ng partido si Duterte sa May 2022 polls.

Pero iginiit ni Duterte na nais na niyang magretiro sa pulitika pagkatapos ng kaniyang termino bilang pangulo sa June 30, 2022.

Gayunman, nitong nakaraang Nobyembre, naghain siya ng COC bilang substitute candidate sa pagka-senador sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS), ang partido kung saan standard bearer si Go.— FRJ, GMA News