Nagtakda ng araw at oras ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung kailan lang puwedeng magsagawa ng caravan at motorcade ang mga kandidato kaugnay ng Eleksyon 2022.
Ayon kay MMDA chairperson Benjamin Abalos Jr., kailangang magkaroon ng panuntunan sa pagdaraos ng mga naturang aktibidad ng mga kandidato dahil sa idinudulot nitong matinding pagbigat sa daloy ng trapiko lalo na sa rush hours.
“Number one, motorcades should only be on Saturdays and Sundays or holidays. Number two, it should only be in the mornings— 5:00 in the morning, the most is 10:00 [a.m.],” pahayag ni Abalos sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Sa inilabas ng panuntunan, ang MMDA ang magre-“regulate, evaluate, and issue permits” sa caravan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Ang mga lokal na pamahalaan naman ang mamamahala sa ibang lansangan na dadaanan ng caravan at motorcade.
Ang mga event organizer ay kailangang mag-apply para sa Roadway Private Utilization Permit (RPUP) sa MMDA at/o kinauukulang LGUs.
Kailangang ilahad nila ang detalye ng pagtitipon, tulad ng pangalan, organisasyon, petsa, oras, dadaanan, inaasahang dami ng lalahok na sasakyan, programa, at iba pa.
Mula rito, susuriin ng MMDA at lokal na pamahalaan ang aplikasyon. Kasama sa ikukunsidera ang "traffic management plan and undertaking of a public information and awareness campaign for the purpose.”
Dapat din umanong sumunod ang organizer sa itinakdang minimum public health standards ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), pati na ang iba pang kaukulang batas tulad ng Republic Act No. 4136 (Land Transportation and Traffic Code), at ng Land Transportation Office (LTO) at the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Abalos, mahaharap sa multa ang mga lalabag sa patakaran.
“Ang mangyayari rito is of course, they will have their own penalties. Nakamonitor naman sa CCTV natin ‘yan at mananagot itong organizer,” babala niya.—FRJ, GMA News