Mula sa karaniwang mahigit P1,000 bawat buwan na binabayarang konsumo sa kuryente, laking gulat ng isang kostumer ng Meralco nang lumobo ang kaniyang bayarin ng mahigit P4,000 bawat buwan.
Sa ulat ng Sumbungan ng Bayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Kaydek Jebulan, na nagtaka siya kung bakit nagmahal ang bill ng kaniyang kuryente gayung hindi naman sila nagdagdag ng appliances sa bahay.
Ipinakita niya ang karaniwang gamit lang nila sa bahay na dalawang bumbilya na LED pa, dalawang electric fan, isang TV at isang washing machine.
Pero pagsapit nitong Enero, nagsimula nang tumaas ang kanilang bayarin at naging triple na.
Inakala pa raw niya noong una na baka normal lang ang biglang pagtaas pero hindi na niya ito kinaya. Kaya noong Agosto, nagmensahe sa Meralco tungkol sa kaniyang problema.
Lumabas sa imbestigasyon ng Meralco na nagkapalit ang metro ni Jebulan sa kaniyang kapitbahay na si Leonila dela Cruz.
Sinabi ni Dela Cruz na ang Meralco ang dapat ireklamo sa nangyaring pagkakapalit.
Dahil naman sa natuklasang pagkakamali, hindi na nagbayad si Jebulan ng kaniyang electric bill sa nakalipas na tatlong buwan na umaabot na ngayon sa mahigit P11,000.
"Gusto ko pong mangyari ma-settle yung mga binayaran namin mula February. Last po nagbayaad kami kasi three months na po akong hindi nagbabayad eh... Hindi namin kinonsume [consume] 'yon, 'di namin talaga babayaran 'yon. Lapses po ng Meralco 'yon," giit ni Jebulan.
Aminado naman Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, ang pagkakamali na tinawag niyang "unfortunate incident."
Tiniyak din niya na "isolated case" lang ang nangyari at inaako ng Meralco ang reponsibilidad sa nangyari.
Tiniyak din ni Zaldarriaga na aayusin ang mga bill ni Jebulan.
Sa ngayon, naisayos na umano ang nagkapalit na metro habang may ilang teknikal na usapin pa na kailangang lutasin sa koneksyon.--FRJ, GMA News