Inihayag ng Samar Police Provincial Office (PPO) nitong Huwebes na bubuo sila ng special investigation task group na tututok sa kaso ng mamamahayag na si Jess Malabanan na binaril at napatay sa kaniyang tindahan sa Calbayog City.
“Ongoing po ang investigation and SITG Malabanan will be created to focus on the investigation on the killing of journalist Jesus Malabanan in Calbayog City,” ayon kay Samar PPO’s public information office chief Police Lieutenant Aileen Velarde.
Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na aatasan niya Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na alamin ang nangyaring “violent incident” sa lalong madaling panahon.
“If it’s work-related, we’ll do a parallel investigation,” sabi ni Guevarra, chairperson ng PTFoMS.
Kinondena rin ni Police Regional Office 8 director Police Brigadier General Bernardo Cabagnot, ang nangyaring krimen at nanawagan sa publiko na tulungan sila sa ginagawang imbestigasyon.
“Ang pangyayaring ito’y lubos ikinalulungkot ng PRO8,” sabi ni Cabagnot sa inilabas na pahayag.
Binaril at pinatay si Malabanan, correspondent ng Manila Standard, nitong Miyerkules ng gabi habang nanonood ng telebisyon sa kaniyang tindahan sa Barangay San Joaquin
Tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Malabanan na idineklarang dead on arrival nang dalhin sa ospital.
“Initial verification by PTFoMS from the victim’s close friends and colleagues indicated that he had no known enemies and was not a hard-hitting journalist,” ayon sa inilabas na pahayag ng task force.
“PTFoMS has also learned that Malabanan was planning to stay for good in Samar to focus on his farm business,” dagdag pa sa pahayag.
Ayon pa sa PTFoMs, humingi ng tulong sa kanila si Malabanan noong 2017 at binigyan siya ng police escort. — FRJ, GMA News