Hiniling ni Senador Bong Go sa kaniyang mga tagasuporta na huwag nang magtipon-tipon at gumawa ng mga tarpaulin dahil hindi na siya kakandidatong pangulo sa Eleksyon 2022.
Inihayag ito ni Go kahit hindi pa siya personal na nagtutungo sa tanggapan ng Commission on Elections para pormal na iatras ang kaniyang kandidatura.
“Sinabi naman ng [Commission on Elections] na hanggang May 9 ay puwede formally mag-withdraw. But, as a matter of principle, do not consider me as a candidate anymore dahil nakapagsalita na ako. Ang nagmamadali lang naman dito ay ang mga kalaban,” ayon sa pahayag ni Go nitong Lunes.
“Huwag na kayo magduda dahil nagpapakatotoo po ako sa tunay na saloobin ko. Habang hindi pa ako formally nagwi-withdraw, kailangang ipaintindi ko nang mabuti at dahan-dahan sa mga supporters ang desisyon na ito,” patuloy niya.
Pinakiusapan ng senador ang kaniyang mga tagasuporta na huwag nang magsagawa ng mga aktibidad tungkol sa kaniyang kandidatura.
“Pamasko niyo na lang sa akin na huwag na po kayong pumunta ng COMELEC at magtipun-tipon dyan lalo na’t delikado pa rin ang panahon dahil sa pandemya,” hiling niya.
“Tulad ng sabi ko, nagre-resist po talaga ang aking puso at isipan sa pagtakbo as president. Kung desidido akong tumuloy, sana hindi ko na idineklara na magwi-withdraw ako. Relax lang po kayo. Sana ay respetuhin niyo na lang ang kahilingan ko,” dagdag ni Go.
Noong November 30 nang ihayag ni Go na umaatras na siya sa pagtakbong pangulo sa Eleksyon 2022. Aniya, tutol ang kaniyang pamilya sa pagtakbong pangulo at ayaw din niyang mahirapan si Pangulong Rodrigo Duterte na ikampanya siya.
Una rito, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na kailangang personal na magtungo sa tanggapan ng komisyon ang mga kandidatong iuurong ang kanilang COCs.—FRJ, GMA News