Sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, pag-iibayo ng bakunahan at pagluluwag sa mga negosyo, nananatiling kulelat ang Pilipinas sa COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg para sa buwan ng Nobyembre.
Sa datos na inilabas ng Bloomberg tungkol sa bago nilang COVID Resilience Ranking, nasa ilalim ng 53 bansa ang Pilipinas na may resilience score na 43.1.
Pero mas mataas ito sa marka na nakuha ng Pilipinas noong Oktubre na 40.5 pero nasa ika-53 puwesto rin.
Noong Hunyo, nasa ika-52 puwesto ang Pilipinas, at dumausdos na sa ika-53 mula noong Setyembre na may marka na 40.2.
"Southeast Asia continues to populate the bottom of the Ranking, with the Philippines remaining in last place, followed by Indonesia, Vietnam and Malaysia," ayon sa ulat ng Bloomberg nitong Martes.
"The lowest two places on the Ranking have given out less than 100 Covid shots per 100 people, a key barrier to improving their scores," paliwanag nito.
Ayon sa ulat, nakapagbibigay lang ng 73.2 doses per 100 people ang Pilipinas.
Nanguna sa listahan ang United Arab Emirates na may resilience score na 73.2. Sumunod ang Chile (72.6), Finland (71.3), Ireland (71.2), at Spain (70.9).
"After dominating the top rungs of Bloomberg's Covid Resilience Ranking for months, Europe has largely been dethroned with the United Arab Emirates — one of the most-consistent performers since the Ranking’s inception a year ago — becoming our new No. 1," ayon sa Bloomberg.
Kabilang sa pamantayan sa resilience score ang vaccination coverage, virus containment, mga ipinatupad na lockdown, kalidad ng healthcare system, muling pagsisimula ng pagbiyahe, at overall mortality sa kabuuan ng pandemic.
Samantala, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlos Nograles na magagamit nila ang ulat ng Bloomberg para sa ipinatutupad na pandemic response.
Gayunman, nilinaw niya na magkakaiba ang sitwasyon ng mga bansa sa pagharap sa pandemic.
"We acknowledge that the data provided by Bloomberg in its COVID-19 Resilience Ranking may be useful in evaluating our pandemic response. [But] we have to consider that the 53 countries in the report have different COVID-19 experiences and strategies. There is little consideration for country-specific COVID-19 context, which in our view is imperative to objectively assess how countries managed pandemic response," paliwanag ni Nograles.
"A case in point is the importance given by Bloomberg in reopening progress, which involves lockdown severity, flight capacity, and vaccinated travel routes," dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Nograles ang ipinatutupad na Alert Level System na nakatulong sa pagbaba ng active COVID-19 cases, pagbaba ng positivity rate na pasok sa standard 5% ng World Health Organization.
Noong Oktubre, inilarawan ng DOH na hindi patas ang ulat ng Bloomberg matapos na maging kulelat sa listahan ang Pilipinas.—FRJ, GMA News