Sinimulan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga tsuper ng jeepney na layuning maibsan ang pasanin ng mga tsuper sa mahal na presyo ng produktong petrolyo.
May kabuuang P1 bilyon ang naturang programa na magkakaloob ng P7,200 ayuda sa bawat tsuper.
“According to Landbank, as of yesterday, they were able to credit the amount of P7,200 to 78,000 beneficiaries,” ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board National Capital Region (LTFRB-NCR) director Zona Tamayo, sa virtual launch ng Fuel Subsidy Program nitong Miyerkules.
Nitong huling bahagi ng Oktubre, inaprubahan ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang pagpapalabas ng P1 bilyon sa LTFRB para sa pinansiyal na tulong sa public utility vehicle (PUV) drivers.
Gayunman, nilinaw ng LTFRB na ang fuel subsidy program ay para lamang sa mga PUJ driver dahil sila ang may pinakamalawak ang nasasakupan pagdating sa pampublikong transportasyon.
Ayon kay Tamayo, dapat suriin ng mga tsuper na mayroon nang Pantawid Pasada Program cards ang kanilang account balance sa ATM ng Landbank, at alamin kung naipasok na ang nasabing halaga sa kanilang card.
Sa mga benepisasyong wala pang fuel cards, sinabi ng opisyal na kailangan silang pumunta sa kanilang LTFRB regional offices para makakuha.
“Para malaman ang schedule kung kailan sila pupunta sa designated Landbank branch nila to get their cards,” ayon kay Tamayo.
Sinabi ng LTFRB, na mahigit 136,000 valid franchise holders ng PUJs sa buong bansa ang makikinabang sa Pantawid Pasada Fuel Program.
One-time o isang beses lang ipagkakaloob ang P7,200 na fuel subsidy ngayong taon.
Ang Pantawid Pasada Fuel card ay magagamit sa mga participating petroleum retail outlets o gasoline stations na may nakalagay na “Pantawid Pasada Card Accepted Here.”
Babala naman ng LTFRB, aalisin sa programa ang mga tsuper na mabibistong ginamit ang fuel card sa pagbili ng ibang produkto maliban sa produktong petrolyo.-- FRJ, GMA News