Nagbabala ang National Privacy Commission (NPC) sa publiko laban sa dumadaming spam text messages na nag-aalok ng kung anu-ano. Ang pinaniniwalaang nasa likod nito-- isang organized international syndicate.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Privacy Commissioner Raymund Liboro, na wala silang nakikitang direktang katibayan na mag-uugnay sa posibilidad ng "leak" sa contact tracing forms sa pagdami ng spam text messages, batay sa pauna nilang imbestigasyon.
“In this particular case, ‘pagkat libo-libo kung ‘di man daang libong Pilipino ang nakakakuha ng mga text na ito, ay napakahirap gawin niyan kung iisa-isahin ang mga contact tracing form o health declaration forms,” paliwanag ni Liboro.
“Wala tayong direktang ebidensya na nagpapakita nito,” dagdag niya.
Hinala ng NPC, isang organized international o global syndicate ang nasa likod ng random spam text messages.
Maging sa ibang bansa ay mayroon din umanong mga ganitong pangyayari.
“Ang gumagawa nito at gumagamit ng mga numero na nakuha nila sa ibang paraan. Malalaking database ang ginagamit nila dito. Maaaring nanggaling ‘yan sa mga dating na-breach o na-hack,” sabi ni Liboro.
Inaalam din ng NPC ang posibilidad ng “dark web” o mayroon mga tao na siyang nagbibigay ng mga mobile number.
Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isa si Clarko Ramirez, sa mga nakakatanggap ng iba't ibang mensahe sa cellphone mula sa mga numero na hindi naman niya kilala.
Kung anu-ano raw ang iniaalok sa kaniya tulad ng trabaho na may malaking sahod at iba pang transaksiyon.
"Naiinis na ko kasi ang dami talaga niya. Kahit mag-block ka ng mga number ang dami pa ring pumapasok," ayon kay Ramirez.
Sa hiwalay na pahayag ni Liboro, sinabi ng opisyal na ang naturang gawain ng nagpapadala ng text messages ay "smishing activities" na gawa ng global crime syndicate.“
“If our initial findings prove true, that personal data is being exploited by criminals abroad, then this also becomes a matter of national security, which should compel government, the private sector and advocate groups to work hand in hand and take more urgent and concrete action to safeguard,” anang opisyal.
Ayon kay Liboro, makabubuting burahin agad ang mensahe at i-block ang numero.
“I-report ito National Telecommunications Commission maging sa National Privacy Commission para mapagbigay alam sa mga telco,” payo niya.
Kasabay nito, sinabi ng NPC na ipatatawag nila ang data protection officers ng mga telco, online shopping apps at ilang bangko para hingan ng ulat tungkol sa kanilang spam prevention measures.
“We have summoned them to detail their current and future measures to combat smishing. Ultimately, we want to secure their commitment and focus in fighting these fraudulent practices so we can best strategize how to block these messages and protect our data subjects,” ayon kay Liboro.
“We hope to find areas where the NPC and these industry players can establish a more proactive approach in fighting smishing and other scams, moving forward,” patuloy niya.
Paalala pa ni Liboro sa publiko, "If from an unknown number, and with an offer that is too good to be true, it is most probably not true and is a scam.” — FRJ, GMA News