Sa kabila ng pag-angkat ng 60,000 metric tons ng isda dahil sa closed fishing season, sinabi ng isang food security advocacy group na bigo pa rin umano ang pamahalaan na maibaba ang presyo ng galunggong.
Ayon sa grupong Tugon Kabuhayan, batay sa pinakabagong market monitoring ng Department of Agriculture, naglalaro pa rin sa P200 per kilo ang naturang isda na itinuturing pang-masa.
Sa ibang pamilihan, umaabot pa umano sa hanggang P240 per kilo ang presyo ng galunggong.
“Unnecessary importation is affecting the local fishing sector and prices are not going down right now,” katwiran ni dating Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) director at Tugon Kabuhayan convenor Asis Perez.
Ayon kay Perez, ramdam ng local aquaculture sector ang masamang epekto sa ginawa ng DA na umangkat ng 60,000 metric tons ng isda tulad ng galunggong.
Wala pang reaksiyon ang DA sa pahayag ni Perez.
Nitong Agosto, inaprubahan ni DA Secretary William Dar ang Certificate of Necessity to Import (CNI) ng 60,000 metric tons ng isda, na kinabibilangan ng galunggong, mackerel, at bonito, na ibebenta sa mga public wet market, partikular sa Metro Manila at mga lugar na kapos ang tindang isda.
Ginawa ito para punan ang magiging kakulangan sa suplay ng isda sa bansa habang umiiral ang closed fishing season, partikular sa huling bahagi ng taon.
Pero ayon kay Perez, batay umano sa National Fisheries and Aquatic Resources Management Council at Navotas Fishing Operators, aabot lang sa 30,000 metric tons ang magiging epekto sa suplay ng isda sa tatlong buwan na closed fishing season pero 60,000 metric tons ang pinayagan ng DA na angkatin.
Sinabi pa ni Perez, na ang mataas na presyo ng isda ang isa sa mga dahilan kaya tumaas ang inflation rate sa bansa.
“This was also due to expensive crude oil prices that impacted transport costs, as well as inclement weather that has forced up prices for fish. The tight supply of fish right now is also due to the ongoing closed fishing season in some spawning grounds including Palawan, Visayan Sea and Zamboanga by next month,” paliwanag niya.— FRJ, GMA News