Apat na suspek sa iba't ibang krimen ang naaresto ng Manila Police District, kabilang ang miyembro umano ng 'Ipit Gang’ at isang lalaking nanakit daw ng kinakasamang menor de edad.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, nahuli si Jerald del Castillo matapos maaktuhang nandurukot sa isang bus sa kahabaan ng España sa Maynila.
Miyembro raw siya ng 'Ipit Ggang' na ang modus ay mang-ipit ng mga pasahero ng bus at doon nanakawan.
Ayon sa ulat, lahat ng kanyang kasamahan ay nakakulong na.
Umamin naman si Del Castillo sa krimen at sa pagiging miyembro ng gang. Giit nya ay mag-iisang taon na siyang tumiwalag sa grupo at nagawa lang niya ito dala ng pangangailangan.
Samantala, kalaboso rin ang dalawang akyat bahay na nagnakaw umano ng laptop sa isang bahay.
Nadakip ang mga suspek nang makasalubong nila ang mga pulis habang sila ay papunta ng Quiapo para doon ibenta ang ninakaw na laptop.
Physical injury at sexual abuse naman ang kinakaharap ng isa pang naarestong lalaki matapos umanong saktan at abusuhin ang kinakasama nitong menor de edad.
Ayon sa pulisya, napuno na ang biktima kaya’t nagsumbong na ito sa mga pulis. Sinasaktan daw ito ng suspek at pinipilit umanong makipagtalik. Sinamahan ito ng kanyang kapatid ng makitang my black eye ang biktima.
Huli rin ang isa sa mga itinuturing na most wanted sa Sampaloc, Manila matapos ang reklamong pang-bubugbog sa kanyang kinakasama.
Ayon sa suspek na si Reiner Mejia, palagi raw siya inaaway ng kanyang partner kaya niya ito nasaktan. Bukod sa pananakit ay dati na raw nasangkot sa illegel droga si Mejia. Samantala, sinusuri pa ng mga pulis ang ibang kaso ng suspek. — Sherilyn Untalan/RSJ, GMA News