Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumalubong sa pagdating sa Villamor Airbase nitong Lunes ng gabi ng 2,805,000 doses ng Sputnik V COVID-19 vaccine ng Russia na binili ng gobyerno.

 

 

Nagpasalamat ang Pangulo sa Russia.

Sabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., dadalhin sa mga probinsiya ang mga bagong dating na bakuna.

Sa mga probinsiya raw ngayon may balakid sa pagbabakuna.

Una, walang cold storage o imbakan ng mga sensitibong bakuna ang ilang munisipalidad.

Pangalawa, kulang ng vaccinators sa mga probinsiya.

Pero nag-volunteer na raw ang Philippine Medical Association at iba pang medical association na magpapadala ng mga vaccinator.

Dahil sa bagong dating na mga bakuna, umakyat na sa 113,451,500 doses ang lahat ng mga bakunang dumating sa bansa as of November 8.

Ang mga fully vaccinated naman na mga Pilipino, 29,477,961 na as of November 8.

Bago matapos ang 2021, inaasahang aakyat na sa 54 million na tao ang bilang ng mga nabakunahan.

'Yan daw ang recalibrated target ngayon ayon kay Galvez.

Kaya raw 'yan lalo pa't may kinakasa silang National Vaccination Days mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 na irerekomenda rin nilang gawing holiday para walang gagawin ang lahat sa tatlong araw na 'yon kundi magbakuna lang.

Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, isa sa pinapataas ngayon ay ang vaccine rate ng mga probinsiya sa Calabarzon at Central Luzon dahil katabi lang ito ng Metro Manila.

Ang mga local government unit sa National Capital Region, willing daw tumulong at magpadala ng vaccinators sa Regions 3 at 4A. —KG, GMA News