Arestado ang isang lalaki na nagbebenta umano ng pekeng certificate of no marriage record o Cenomar para patunayan na single o walang sabit ang ikakasal. Kabilang daw sa mga gumagamit ng pekeng Cenomar ang mga gustong magpakasal sa mga dayuhan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang suspek na Darwin Rotap, na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Special Task Force at Anti-Red Tape Authority o (ARTA).
Ayon sa ilang nagrereklamo, nag-aalok daw ang mga fixer na baguhin ang kanilang civil status na mula married ay gagawing single kapalit ng P3,500.
"'Yung asawa mo buhay pa pinapalabas na patay na o kaya pinapalabas na hindi ka talaga nag-asawa," ayon kay Jeremiah Belgica, ARTA's director general.
Sinabi ni Sixto Espinesin Jr., NBI-STF executive officer, na nagagamit din ang mga pekeng fake cenomar sa human trafficking at mail order brides para maikasal sa dayuhan.
Dinala ng mga awtoridad sa Philippine Statistics Authority ang nakuhang Cenomar kay Rotap, at doon ay kinumpirma na peke ang dokumento.
Inamin ni Rotap na peke nga ang Cenomar na nakuha sa kaniya at ginagawa raw niya para may pangkain siya.--FRJ, GMA News