Dahil may pandemic, nanawagan ng konsiderasyon sa Quezon City Task Force Disiplina ang ilang vendor sa bangketa matapos na kumpiskahin ang kanilang mga paninda na inutang lang umano nila.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing dakong 5:00 am nang magsagawa ng operasyon ang QC Task Force Disiplina kasama ang ilang pulis, sa Star Market sa Quirino Highway.

Kinumpiska ng Task Force Disiplina ang mga inabutan nilang paninda sa bangketa na nasa kariton ang iba, at karamihan ay mga gulay.

Hiling ng mga vendor na nawalan ng produkto, sana raw ay magkaroon ng kaunting konsiderasyon ang TF Disiplina lalo pa ngayon na may nararanasang pandemic at hirap silang kumita.

Problema raw nila ngayon kung saan kukuha ng pambayad sa mga paninda nilang kinumpiska dahil utang lang daw ang mga ito.

"Sana itabi na lang [kami]. Alam naman namin na bawal dito kaya lang wala nang magagawa talaga eh, sayad na," paliwanag ni Philip Palliarca. 

"Ang problema namin bukas paano namin mababayaran ang hango namin [paninda]," ayon naman kay Conchita Batonghinog.

Giit ni Deck Pelembergo, chief operations ng QC TF Disiplina, alam naman ng mga vendor na bawal ang magtinda sa bangketa pero patuloy pa rin nilang ginagawa.

"Hindi tayo tutol sa hanapbuhay, hindi tayo tutol sa vendors. Ang sinasabi lang ang city [government] ay nag-identify ng mga area... may mga area naman na pupuwedeng latagan, 'wag yung bangketa," paliwanag niya.

Ayon sa ulat, ibibigay daw ng TF Disiplina sa mga temporary shelter para sa mga bata sa Quezon City ang mga nakumpiskang mga paninda.

Nagbabala ang task force na titiketan nila ang mga mahuhuli sa susunod nilang operasyon.--FRJ, GMA News