Kinumpiska ng mga tauhan ng Quezon City Task Force Disiplina ang ilang paninda ng mga sidewalk vendors sa isang pamilihan sa Novaliches, Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, alas-singko ng umaga nang puntahan ng mga taga-Quezon City Task Force Disiplina kasama ang mga pulis ang Star Market sa Quirino Highway.

Nagtakbuhan ang ilang vendors hanggang sa naabutan sila ng mga awtoridad. Agad nilang kinuha ang ilang paninda na karamihan ay mga gulay. Maging ang likod ng palengke ay inikot din ng mga awtoridad.

 

 

Ayon sa mga vendors, alam naman daw nila na bawal magbenta sa bangketa pero pakiusap na lamang nila ay magkaroon ng konsiderasyon para sa kanila lalo na't pandemic pa.

Hindi raw nila alam kung saan kukunin ang pangbayad sa mga paninda na kanilang inutang pa.

Ayon sa chief of operations ng QC Task Force Disiplina na si Deck Relembergo, naiintindihan naman daw nila ang mga vendors pero ilang beses na silang pinaalalahan ukol dito.

Dagdag pa niya ay hindi nila gustong tumutol sa kanilang mga hanapbuhay at sa mga vendors. Ang nais lang sana nila ay huwag silang pumuwesto sa bangketa.

Ido-donate ang mga nakumpiskang paninda sa mga temporary shelters ng mga bata sa Quezon City.

Samantala, nagbabala ang Quezon City Task Force Disiplina na sa pagbalik nila at pag-iikot hindi lamang sa palengke sa Novaliches, ay titiketan nila 'yung mga mahuhuling nagbebenta sa bangketa. —Sherylin Untalan/KG, GMA News