Sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na magiging vaccinator na rin ang mga dentista, kasabay sa hangarin na maparami pa ang mga Pinoy na matuturukan ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nakipag-ugnayan sila sa Professional Regulation Commission at sa Philippine Dental Association.

“Upon the recommendation of the Board of Dentistry and concurrence of the PRC with authorization from the DOH… puwede na pong isama ‘yung mga dentist na bakunador basta may kaunting training,” anang opisyal sa DOH Kapihan Session.

Sinabi ni Cabotaje na kailangang makipag-ugnayan ang mga destista sa kanilang lokal na pamahalaan kung nais nilang maging "bakunador."

“They should be registered… tapos kailangan, they link with the local government unit. And supervisor ng dentist ay medical doctor. 'Pag sinabi natin supervisor ibig sabihin may consent, alam ng doctor, ‘yung head ng implementing unit na meron siyang additional dentist,” ayon kay Cabotaje.

Sinabi rin ng opisyal na nagpadala ng DOH ng pondo sa iba't ibang rehiyon para sa serbisyo ng mga naging bahagi ng vaccination program ng pamahalaan.

“Ang DOH po ay nag-provide ng pondo sa iba’t ibang rehiyon natin para maitulong sa ibang lokal na pamahalaan to continue the services of those who have already been hired para magbakuna,” paliwanag niya.

“Alam natin pagod na pagod na ang health workers natin hindi lang sa pagbabakuna, sa pagresponde din ng ating COVID-19,” patuloy pa ni Cabotaje.

Una rito, inihayag ni vaccine zcar Sec. Carlito Galvez Jr. na tuloy-tuloy na ang pagdating mga bakuna sa bansa.

Plano na rin simulan ang pagbabakuna sa lahat ng menor de edad na 12 hanggang 17 simula sa susunod na buwan [Nobyembre].

Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año sa nakaraang panayam na malayo pa na maaabot ang target na bilang ng mga bakunado sa labas ng Metro Manila na nasa 18 hanggang 30 porsiyento pa lang.

“Ngayon dito sa Metro Manila nasa 80% na tayo. Yung ibang probinsya outside NCR, nasa 18%, nasa 30% so malayo pa,” ayon sa kalihim.

Target umano ng pamahalaan na 50 hanggang 70 porsiyento ng populasyon sa labas ng Metro Manila ang mabakunahan bago sumapit ang Pasko.--FRJ, GMA News