Lumitaw na 57 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabi na lumala ang kalagayan ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS) nitong Martes.
Sa survey na ginawa noong September 2021, sinabi ng SWS na 29 na porsiyento ng mga tinanong ang nagsabing hindi nagbago ang lagay ng kanilang pamumuhay, at 13 porsiyento naman ang nagsabing bumuti ang kanilang buhay.
Ang net gainers score ngayong Setyembre ay bumaba sa -44 mula sa -31 score noong June 2021. Tinawag ng SWS na "extremely low" ang net gainers score ngayong Septembre.
Sa metropolis, "catastrophic" ang net gainers score na -51 ngayong Setyembre kumpara sa -30 noong June 2021.
Nasa "extremely low" naman ang Mindanao na nasa -47 ngayong September, kumapara sa -31 noong June.
Sa Balance Luzon, -41 net gainers score sa September mula sa - 27 noong June. Habang mula sa -40 noong June ay naging -46 sa Visayas.
Ginawa ang survey mula September 12 hanggang September 16, na ginamitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipinos na edad 18 pataas.
"The sampling error margins are ±3% for national percentages and ±6% for Metro Manila, Balance Luzon, the Visayas, and Mindanao," ayon sa SWS.
Nakasaad ng tanong ng SWS na:
"Kung ikukumpara ang uri ng inyong kasalukuyang pamumuhay sa nakaraang 12 buwan, masasabi ba ninyo na ang uri ng inyong pamumuhay ay MAS MABUTI KAYSA NOON, KAPAREHO NG DATI, o MAS MASAMA KAYSA NOON? [Comparing your quality of life these days to how it was 12 months ago, would you say that your quality of life is BETTER NOW THAN BEFORE, SAME AS BEFORE, or WORSE NOW THAN BEFORE?]"— FRJ, GMA News