Nakapatala ang Pilipinas ng 4,496 na mga bagong kaso ng COVID-19 nitong Martes. Pero ayon sa Department of Health (DOH), pitong laboratoryo ang bigong makapagsumite ng kanilang datos sa takdang oras.
Ang bilang ng mga bagong kaso ngayong Martes, ang pinakamababa mula noong July 28, 2021.
Umaabot ngayon ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng patuloy na ginagamot at napapagaling sa 63,637.
Sa nasabing bilang, 79.0% ang mild, 5.2% ang asymptomatic, 2.0 ang critical, 4.8% ang severe at 8.97% ang moderate.
Gayunman, lumobo naman sa 236 ang bilang ng mga pasyente na nasawi dahil sa komplikasyon sa virus.
Malayo ito sa 86 na mga pasyente na nasawi na iniulat nitong Lunes.
Umaabot na ngayon sa 40,972 ang mga nasawi dahil sa komplikasyon na dulot ng COVID-19.
Nadagdagan naman ng 9,609 ang mga pasyente na mga gumaling.
Inihayag ng DOH, nasa 12.4 percent ang positivity rate sa Pilipinas, batay sa isinagawang COVID-19 tests sa 35,766 katao.
"The relatively low cases today is due to lower laboratory output last Sunday, October 17," ayon sa DOH.—FRJ, GMA News