Malaki ang natapyas sa bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 matapos na umabot lang sa 6,943 ang mga bagong kaso at halos 20,000 pasyente ang nadagdag sa mga gumaling.
Sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, nakasaad na 19,687 ang mga bagong gumaling sa virus.
Kaya mula sa 81,641 active cases na naitala nitong Linggo, bumaba ito sa 68,832 ngayong Lunes.
Ito na ang pinakamababang bilang ng active cases mula noong August 5, 2021.
Sa bilang ng active cases, sinabi ng DOH na 79.7% nito ang mild, 5.5% ang asymptomatic, 4.5% ang severe, at 1.9% ang in critical condition.
Nadagdagan naman ng 86 ang mga pasyente na nasawi, para sa kabuuang bilang na 40,761 na nasawi dahil sa virus.
Ayon sa DOH, mayroon dalawang laboratoryo na hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa takdang oras.—FRJ, GMA News