Pinuna ni Senador Panfilo Lacson ang ibinigay na datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi umano nagtutugma kaugnay sa pamamahagi ng bilyong-bilyong pisong pondo bilang ayuda sa panahon ng pandemic na tinawag na social amelioration program (SAP).

Sa Senate budget hearing nitong Lunes, nasilip ni Lacson ang umano'y hindi nagtutugmang mga numero ng DSWD sa disbursement rate at ang distributed SAP funds sa target beneficiaries.

"Something doesn’t add up. The DSWD's latest data showed that the agency was able to distribute SAP to 717,372 out of 761,259 target beneficiary families. That would constitute 94.23-percent accomplishment as of August 31, 2021," ayon kay Lacson.

Pero sa parehong report ng DSWD, nakasaad na 80 percent lang ng SAP funds ang naipamahagi.

Paliwanag ni Hannah Carcido, DSWD officer-in-charge sa Policy Development and Planning Bureau, itinama lang nila ang numero ng target beneficiaries.

Mula sa 717,372 beneficiaries, itinaas ito sa 855,597 as of January 2021, patuloy ng opisyal.

Sinabihan din ni Lacson ang DSWD na paghusayin ang kanilang “poor planning” kaugnay sa pagkuha ng serbisyo ng Starpay, isang financial service provider na may kuwestiyunable umanong financial standing, para sa pamamahagi ng ayuda.

Natuklasan DSWD na 70 percent ng SAP beneficiaries ay wala o depektibo ang mobile phones kaya hindi makakakuha ng ayuda sa pamamagitan ng e-wallet.

"The DSWD became reactive. It did not determine the beneficiaries' capability to use mobile phones before distributing the aid, so it had to engage financial service providers," ani Lacson.

"It should have planned first and determined the capability of the beneficiaries to receive aid via mobile phones. The bottom line is poor planning," sabi pa ng mambabatas.

Sinabi pa ni Lacson na dinagsa ng reklamo ang mga lokal na pamahalaan na hindi nakatanggap ng ayuda dahil lumilitaw na luma ang listahan ng DSWD, na siyang pinagbatayan ng mga tatanggap ng SAP.

"Some barangay chairmen agreed among themselves to just redistribute the P5,000 to P8,000 accordingly because the list provided by the DSWD central office was outdated," ayon sa senador.

"They wanted to adapt to the situation on the ground. We cannot fault the LGUs," giit niya. — FRJ, GMA News