Apat na araw nang nawawala ang isang 16-anyos na lalaki matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig sa isang creek sa Caloocan City. Ang binatilyo, tinangka raw sagipin ng mas bata sa kaniya pero isinakripisyo na ang sarili nang pareho na silang nalulunod.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing naligo sa ilog sa Barangay 170 ang biktimang si Kristan Bautista, kasama ang iba pang kabataan noong Sabado habang bumubuhos ang ulan na dala ng bagyong Lannie.
Kuwento ni JC Bautista, saksi sa insidente, isang mas batang kalaro ang nagtangkang sumagip kay Kristan pero nalagay din sa peligro ang buhay nito.
"Nung pagkalubog ng bata, inangat niya [Kristan], hinawakan niya sa may tuhod tapos hinagis niya po sa may mababaw. Nakaligtas po yung bata, siya inagos na po," ayon kay JC.
Ang ina ni Kristan na si Feliza, tanggap na ang sinapit ng anak pero sana ay makita raw ang binatilyo.
“Sana makita na po, sana po may maawang tumulong po sa amin. Makita lang po ng personal yung bata kahit ano pong mangyari,” pakiusap ng ina.
Sinabi naman ng mga opisyal ng barangay na gagawa pa sila ng hakbang para maiwasan ang naturang insidente sa ilog na ikalawang beses na umano sa loob ng apat na taon.--FRJ, GMA News