Sasabak din sa panguluhang halalan sa Eleksyon 2022 si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos siyang maghain ng certificate of candidacy (COC) nitong Miyerkules. Sinagot din niya ang posibilidad na maging running-mate niya si Senador Bong Go, na naghain naman ng COC bilang vice presidential candidate.
Kasama ni Marcos na nagtungo sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City para ihain ang COC, ang kaniyang asawa na si Liza Araneta.
Nitong Martes, inihayag ni Marcos sa Facebook video ang plano niyang tumakbo bilang pangulo sa ilalim sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP), na kaalyado ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito, inindorso ng PFP noong Setyembre 21 si Marcos na maging presidential candidate nila sa May 2022 elections.
Ang Setyembre 21 ang anibersaryo ng pagdedeklara noon ng Batas Militar ng namayapang ama ni Marcos, na si Ferdinand Sr.
Napatalsik sa kapangyarihan ang nakatatandang Marcos noong 1986 sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon, at tumapos sa kaniyang diktaturyang rehimen.
Sinabi sa mga mamahayag ng nakababatang Marcos nitong Miyerkules, na plano sana ng PFP na si Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang maging kandidatong bise presidente.
"The original plan was for us to adopt PRRD (President Rodrigo Roa Duterte) for our vice presidential candidate, pero sa mga nangyari noong nakaraang Sabado ay nagbago lahat ng plano," ayon sa dating senador na tumakbong bise presidente noong 2010 elections pero natalo kay Leni Robredo.
"Kaya't ngayon nagkokonsulta ang partido kung ano dapat gawin and what do we do now," patuloy niya.
Sa pag-atras ni Duterte na tumakbong bise presidente, ang kaniyang longtime aide na si Senador Bong Go, ang naghain ng COC for vice president noong Sabado sa ilalim ng isang paksiyon ng PDP-Laban.
Nang tanungin si Marcos kung kukunin niyang vice presidential candidate si Go, sabi ng dating senador, "Paano iyon, Bongbong-Bong? Bong to the third power? Baka puwede rin, we'll see."
Bagaman nakapagsumite na ng COC ang mga kandidato, maaari naman silang palitan ng ibang kandidato na magkapartido hanggang Nobyembre 15.
Inihayag din ni Marcos, ayaw niyang makipag-away kanino man at nais niyang “unifying leader” sa harap ng nararanasang COVID-19 crisis ng bansa.--FRJ, GMA News