Naghain na ang magkatambal na sina Sendtor Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III ng kani-kanilang certificates of candidacy para sa pagtakbong Pangulo at Bise Presidente sa Eleksyon 2022.
Isinumite ng dalawa ang kanilang COCs dakong 11 a.m. sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila sa Pasay City.
Tatakbo si Lacson bilang kandidatong pangulo sa ilalim ng Demokratikong Reporma Party (Reporma), kung saan hinirang siyang chairman nitong Hulyo.
Ang katambal niyang si Sotto, tatakbo naman sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition (NPC) bilang bise presidente. Si Sotto ang chairman ng nasabing partido.
Sinabi ni Lacson sa mga mamamahayag na ibabalik nila ang tiwala ng publiko sa gobyerno. Ipatutupad din niya ang tamang paggastos sa pera ng bayan at pauunlarin ang kanayunan.
“Panahon na upang maipanumbalik ang dignidad at respeto sa sarili ng bawat Pilipino sa loob at labas ng ating bansa,” ani Lacson, na dating naging hepe ng Philippine National Police.
Ayon naman kay Sotto, batid nila ang mga problema ng bansa at mayroon umano silang solusyon.
“We know the ills, we know the solution. Balance the budget, budget reform, bring the money to the people and enhance the fight against illegal drugs by more emphasis on demand reduction strategy,” sabi ng lider ng Senado.
Inihayag din ni Sotto na wala silang napagkasunduan sa ginawang pakikipagpulong kay Vice President Leni Robredo para pag-isahin ang oposisyon.
“I think you would just have to take the statement of Senator [Franklin] Drilon na walang napagkasunduan. The ideas that were brought out during those talks were the same ideas actually that Sen. Lacson proposed two or three months ago which was rejected. So that’s it,” anang senador.
Malabo na rin umano sina Sotto na makiisa pa sa unity talks sa oposisyon para sa halalan dahil nakahanda na sila ni Lacson para sa May 2022 election.
“Sa amin kasi we already started the organizations nationwide, we already set up, we have three political parties cooperating with each other. We might even have another political party joining our cooperative move for a clean, honest, and orderly elections. So it is written already,” paliwanag niya.
Bukod sa alyansa ng Reporma at NPC, kasama ring sumusuporta sa Lacson-Sotto tandem ang National Unity Party.
Sa ngayon, 14 umano ang nasa listahan nila ng posibleng maging senatorial candidates pero isasapinal nila ito sa 12 kapag naisagawa na ang paghahain ng COCs ng mga kakandidato.—FRJ, GMA News