Palit-puwesto ang mga kongresista at alkalde ng Muntinlupa at Valenzuela sa darating na Eleksyon 2022.
Nitong Biyernes, naghain ng certificate of candidacy si Muntinlupa Representative Ruffy Biazon, para kumandidatong alkalde ng lungsod.
Ang kasalukuyang alkalde naman ng Muntinlupa na si Jimmy Fresnedi, ang tatakbong kongresista.
Si Biazon ay anak ni dating senador Rodolfo Biazon, ang kasalukuyang vice chairperson ng House committees on appropriations at national defense and security.
Samantala, naghain din ng COC si Deputy Speaker Wes Gatchalian, para tumakbong alkalde ng Valenzuela, na pinamamahalaan ngayon ng kapatid niyang si Rex Gatchalian.
Tatakbo naman sa May 2022 elections si Rex bilang kongresista, kapalit ng kaniyang kapatid na si Wes.
Kapatid nina Rex at Wes, si Senador Sherwin Gatchalian, na re-electionist bilang senador.
Pero napaulat kamakailan na nagpresenta siya kay Davao City Mayor Sara Duterte na maging vice presidential candidate sakaling tumakbong pangulo ang alkalde. — FRJ, GMA News