Humingi ng tulong ang Senate blue ribbon committee sa National Bureau of Investigation para alamin kung nasaan ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na naunang umamin na pinalitan nila ang expiration dates ng mga face shield na ibinigay nila sa gobyerno.
Nitong Lunes, sinabi ni commitee chairman Senador Richard Gordon na hindi na nila ma-contact si Pharmally regulatory affairs head Krizle Mago.
Nitong nakaraang Biyernes, dumalo pa si Mago via online sa pagdinig ng komite at kinumpirma niya ang pahayag ng nagpakilalang dating kawani ng kompanya na pinalitan nila ang expiration dates ng mga face shield na ibinigay nila sa Department of Health.
“The chairman and the committee [are] worried as to the safety of Ms. Mago of Pharmally Pharmaceutical Corporation, a resource person in our investigation, after her damaging testimony against probable co-conspirators,” sabi ni Gordon sa sulat na ipinadala kay NBI officer-in-charge Eric Distor.
“In this regard, the chairman requests the NBI to help us look for her,” patuloy ng senador.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na may impormasyon siya na ligtas si Mago at nakikipag-ugnayan sa ibang grupo.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado tungkol sa alegasyon ng overpricing sa pagbili ng pamahalaan ng medical supplies sa Pharmally, bagay na itinatanggi ng gobyerno.—FRJ, GMA News