Apat na lalaki, kabilang na bugaw umano ng grupo, ang naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation sa harap ng isang motel sa Maynila.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikitang nagkahabulan pa nang ibigay na ang hudyat sa pag-aresto sa mga suspek matapos tanggapin ang markadong pera na ginamit sa operasyon ng mga operatiba ng Anti-Human Trafficking Division ng NBI.
Ayon sa NBI, ginagawang front ng grupo na massage therapist ang mga ibinubugaw nilang apat na babae na may kasama umanong "extra service" sa costumer.
Sinabi ni Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI-AHTRAD, na nagsisimula raw ang transaksyon online at kapag nagkasundo na sa presyo sa serbisyo na "all the way" ay ihahatid na ang mga babae sa kliyente.
Nagulat ang NBI nang matuklasan nila na dalawa sa mga babaeng nasagip ay karelasyon ng dalawa sa mga naaresto.
"Despite thier relationship, pumapayag itong mga naaresto nating subject na ibenta yung mga girlfriend nila sa mga costumer," ani Francisco.
Iginiit naman ng isang naaresto na kahirapan sa buhay kaya nila nagawa ang ilegal na gawain at wala rin daw silang nilalamangan.
Nakita rin sa isa sa mga naaresto ang ilang gramo ng marijuana at tableta na hinihinalang party drugs.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa anti-human trafficking act at illegal possesion of prohibited drugs ang mga naaresto.--FRJ, GMA News