Nahuli-cam ang pagnanakaw ng isang lalaki sa cellphone na naiwan sa motorsiklo sa Quezon City. Ang kawatan, humingi raw ng pera sa may-ari ng cellphone para isauli niya.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang kawatan na tumabi sa isang nakaparadang motorsiklo na nasa labas ng palengke sa Barangay Payatas.

Maya-maya lang, pasimpleng umupo ang salarin sa motorsiklo para kunin ang cellphone. Nang magawa na ang pakay, umalis siya at sumakay sa tricycle.

Ayon sa may-ari ng cellphone na si Ricardo Ajero, nakalimutan niyang dalhin ang cellphone nang pumasok siya sa palengke para buksan ang kaniyang puwesto.

Pero pagpunta niya sa motorsiklo para kunin ang cellphone at para i-charge, wala na ito sa lalagyan.

Ilang beses daw tinawagan ni Ajero ang kaniyang cellphone at nag-reply lang sa text message ang kawatan.

"Kondisyon niya bigyan ko raw siya ng pera para isauli niya ang cellphone ko,' ayon sa biktima na umaasang maibabalik sa kaniya ang cellphone na gamit niya sa hanapbuhay.

Naireport ni Ajero sa barangay ang insidente.

Ayon sa isang tanod,  may nangyayaring nakawan at holdapat sa kanilang lugar linggo-linggo pero pinaigting naman daw nilang ang kanilang pagbabantay lalo na sa matataong lugar.--FRJ, GMA News