Kinumpirma ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes ang pakikipagpulong niya kina Vice President Leni Robredo at Senador Manny Pacquiao patungkol sa Eleksyon 2022.
"Yes, we had a meeting and Vice President Robredo so we're trying to reach out to each and everyone. Ako naman mayroon ako taingang lagi na puwede makinig eh. Wala naman masamang makinig eh," ayon sa alkalde.
Gayunman, hindi na nagbigay ng detalye si Moreno tungkol sa kanilang pinag-usapan.
"I’m not in the liberty to discuss the details. But I can confirm there was a meeting and hopefully there will be more meetings na puwede namin pag-usapan ang mga bagay-bagay," pahayag niya.
Inaasahan ni Moreno na makabubuo siya ng desisyon sa mga susunod na araw kung anong posisyon ang kaniyang tatakbuhan sa Eleksyon 2022.
"I’m very optimistic that things will be better when we heal the wounds with our fellowmen. Mas madaling makaka-move on," anang alkalde na kabilang ang pangalan na lumalabas sa mga survey patungkol sa mga posibleng tumakbong pangulo.
Sa ngayon, si Moreno ang tumatayong presidente ng partidong Aksyon Demokratiko. Pero hindi pa siya nakapagpapasya kung sasabak siya sa panguluhang halalan.
Una rito, inihayag ni Robredo na nakipagpulong siya kina Moreno at Pacquiao para sa posibleng united anti-administration ticket sa 2022 presidential elections.
Gayunman, tiniyak ni Robredo na handa siya kung siya ang mapipiling "unity candidate" ng oposiyon.
Samantala, nitong Linggo, tinanggap ni Pacquiao ang nominasyon ng paksyon ng PDP-Laban ni Sen. Koko Pimentel para maging standard bearer sa darating na halalan.
Sa Oktubre na ang simula ng paghahain ng certificates of candidacy ng mga tatakbong kandidato sa 2022 elections.—FRJ, GMA News