Mananatili pa rin ang National Capital Region sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang September 15, 2021. Ito ay matapos bawiin ang naunang inanunsyo na isasailalim na sa mas maluwag na general community quarantine ang rehiyon simula sa September 8, 2021.

Sa pahayag nitong Martes, sinabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Harry Roque, na nagpasya ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng GCQ with Alert Levels System sa Metro Manila.

Dahil dito, bawal pa rin ang indoor at al-fresco dine-in services, at personal care services kabilang ang beauty salons, beauty parlors and nail spa.

Mananatili rin na online ang religious services.

Samantala, papayagan naman ang mga magkakamag-anak na dumalo sa burol at libing basta hindi namatay sa COVID-19 ang namayapa.

Una rito, inanunsyo na ilalagay na ang Metro Manila sa GCQ simula September 8 hanggang 30.

Kasabay nito ay magiging pilot area umano ng "granular lockdown" ang Metro Manila sa panahon ng GCQ. --FRJ, GMA News