Kinumpirma ni Senador Bong Go nitong Huwebes na inialok niya ang sarili kay Davao City Mayor Sara Duterte na maging bise presidente kung tatakbong pangulo ang alkalde sa 2022 elections.
Sinabi ni Go na ginawa niya ito matapos na may mga politikong nagpresinta rin na maging makatambal ni Sara.
“When I learned that there were some aspirants who wish to be Mayor Sara’s VP in case she runs for the presidency, I expressed my willingness to be considered in her list of choices, nagpalista lang din ako,” paliwanag ng senador.
Sinabi ni Go na ang katapatan niya kay Pangulong Rodrigo Duterte at katulad din sa mga anak ng pangulo tulad ni Mayor Sara.
Nais umano niyang tulungan ang alkalde na makamit din ang mga layunin para sa bansa--maging bise presidente man o kasama sa kampanya. Batay umano ito sa kaniyang mga karanasan na rin sa halalan at pagsisilbi kay Pangulong Duterte.
Gayunman, kakandidato lang daw siya kung tatakbong pangulo si Sara, at kung hindi rin kakandidatong bise presidente si Pangulong Duterte.
Iginiit din ni Go na hindi siya interesado na tumakbong pangulo.
Sa pahayag nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Sara ang mga pangalan ng mga politikong nagpresintang maging bise presidente niya, partikular sina Go at Sen. Sherwin Gatchalian.
Inihayag din niya na mayroon ilang pangalan na iminungkahi sa kaniya na pag-aralan na maging katambal niya sa darating na eleksiyon.
Sinabi naman ni Gatchalian na tatakbo lamang siyang bise presidente kung siya ang pipiliin ni Sara na makatambal. —FRJ, GMA News