Nasawi ang isang senior citizen na street sweeper matapos siyang ma-hit and run ng isang van sa Malabon City Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat ng Unang Balita, kinilala ang biktima na si Erlinda Batulan, na nagwawalis noon nang mabangga siya ng humaharurot na puting van, ayon sa isang saksi.

Matapos mabundol ng sasakyan, naiwang nakahandusay sa sidewalk ang ginang.

Hindi na nagawang habulin pa at maplakahan ang van, at wala ring CCTV sa lugar.

Dumating sa pinangyarihan ng aksidente ang dalawang kamag-anak ng biktima pero hindi na sila nakapagbigay ng pahayag.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon. —Jamil Santos/LBG, GMA News