Ilang pasahero ng isang jeepney ang nasaktan matapos silang tumalon palabas ng sasakyan nang magdeklara ng holdap ang isang lalaki sa Tondo, Manila.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkules, nahuli-cam ang pagtalon ng ilan pasahero palabas ng jeepney, kabilang isang babae na sa bintana dumaan.
Nang makuha ang ilang cellphone at pera ng mga biktima, inagaw umano ng holdaper sa driver ang manibela ng jeepney at tinangka niya itong patakbuhin.
Pero umatras ang jeep at bumangga kaya naaresto ang suspek na kinilalang si Mark Anthony Yburan.
Nabawi kay Yburan ang mga ninakaw niya at ang patalim na ginamit sa panghoholdap.
Paliwanag ng suspek, napilitan siyang mangholdap dahil nawalan siya ng trabaho at kailangan ng kaniyang anak ang gamot.
Napag-alaman na nahuli na dati si Yburan sa kasong pagnanakaw at ilegal na sugal.
Ngayon ay mahaharap siya sa reklamo robbery by intimidation dahil desidido umano ang mga biktima na kasuhan siya.--FRJ, GMA News