Iginiit ng Overseas Workers Welfare Administrator (OWWA) na sa lehitimong general merchandise trading and supply company sila bumili ng P1.2-M halaga ng hygiene kits at sanitary napkins, at hindi sa isang hardware store, na gaya ng nasa ulat ng Commission on Audit (COA).

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabi ni OWWA administration Hans Leo Cacdac, na may kakayahan ang naturang kumpanya na mag-supply ng mga binili nilang kagamitan.

“Hindi sila hardware, sila ay trading and supply firm. Meaning ‘pag may gusto kang goods, general merchandise, basta kaya nilang bilhin at kaya nilang i-deliver, they will commit to purchase and deliver for you tapos dadalhin nila sa inyo,” paliwanag ni Cacdac.

Posibleng nalito lang daw ang COA sa salitang "construction" na nasa opisyal na pangalan ng trading firm, ngayon ay nakasentro na umano sa general merchandise.

Sa kanilang 2020 annual audit report, sinabi ng COA na kaduda-duda ang P1.2 halaga ng transaksyon ng OWWA dahil binili ang mga hygene kits mula sa MRCJP Construction and Trading at hindi sa “reputable drugstores and supermarkets.”

Ayon kay Cacdac, pinuntahan niya nitong Huwebes at kinausap ang may-ari ng MRCJP Construction and Trading, na nagsimula ang operasyon noong 2008.

Ipinaliwanag umano ng mga may-ari na dati silang may kaugnayan sa pagsuplay ng mga materyales pangkonstruksyon sa mga hardware store.

Dagdag ni Cacdac, totoo rin na mayroong pisikal na opisina ng MRCJP Construction and Trading, na nalipat sa ibang lokasyon ngunit nasa kaparehong barangay pa rin sa Malibay, Pasay City.

Sa report ng COA, sinabi nito na hindi raw mahanap ang MRCJP Construction at Trading sa address nito sa collection receipt.

“Pinuntahan ko rin mismo itong MCRJP Construction and Trading. Sila ay lumipat sa isang lugar na parehong barangay pero medyo mahirap din hanapin aaminin ko pero na-locate namin sila,” ani Cacdac.

Ibinahagi rin ng OWWA Administrator ang mga larawan ng establisyimento at kopya ng business permit nito.

Idinagdag ni Cacdac na naiayos na ng OWWA ang lahat ng mga invoice ng MCRJP Construction and Trading.

Ipinaliwanag din ng OWWA chief kung bakit nabili ang sanitary napkins sa mas mataas na halaga.

Ayon sa COA, nabili ang mga napkin sa halagang P10 hanggang P30 kada pad, na napakamahal umano kumpara sa mga binili mula sa mga sari-sari store na P5 hanggang P8.

“Ang sabi ng COA e P6 to P8 pesos lang (per piece). Kaya pala ganon e packs, pakete ang binili namin packs of eight. So P32 pesos makes sense nga naman. Bakit kami bibili ng tingi?” sabi ni Cacdac.

Ayon kay Cacdac, maaaring may “misunderstanding” sa mga unit na nakalagay sa audit report na isinumite sa COA.

Sa kabilang banda, ikinalungkot ni Cacdac na pinuna ang OWWA dahil sa ginawang audit observation, at sinabing nakatanggap sila ng “unqualified opinion” o pinakamataas na na audit rating sa state auditors.

“Kawawa rin ang mga tauhan natin na 99.9% nakapasa, unqualified opinion sa COA audit and it is just unfortunate na umabot sa ganito. Pero rest assured magpapaliwanag kami in a fuller report to the Commission on Audit,” sabi niya.

Nitong Miyerkoles, sinabi ni Cacdac na hindi pa pinal ang COA finding at sasailalim pa sa liquidation at paliwanag.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News