Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagbili nito ng hygiene products na nagkakahalaga ng P1.269 milyon sa construction store and trading company.
Sa audit report ng COA, sinabing kaduda-duda ang pagbili ng isang OWWA deputy administrator ng hygiene kits, sanitary napkins at thermal scanners sa hindi kilalang drugstores o supermarkets.
“Out of the P2,011,441.90 covered by LR No. FM-OWWA 07-10.4, the propriety and regularity of the expenditures charged to the CA (cash advance) of the Deputy Administrator totaling P1,269,920 is doubtful due to the awarding of the procurement transactions not to reputable drugstores and supermarkets,” saad sa ulat.
“This is an indication that OWWA’s resources were not expended in accordance with rules and regulations and is contrary to Section 2, PD No. 1145,” dagdag ng COA.
Ayon sa COA, nagbayad ang OWWA ng P962,920 sa pagbili sa mga produkto sa MRCJP Construction and Trading na may address sa Pasay City.
Gayunman, hindi raw makita ang establisimyento sa naturang address na makikita sa resibo.
“It is unlikely that these items were brought from a store which deals with construction supplies or hardware, considering that the Mercury drugstore is just around the vicinity of OWWA,” ayon sa COA.
Pinuna rin ng ahensiya na ang hygiene kits ay nagkakahalaga ng P160 ay hindi itemized, habang ang mga napkin ay binili sa halagang P10 hanggang P30 per pad. Mas mahal umano ito kumpara sa P5-P8 na mabibili sa mga tindahan.
Samantala, ang mga thermal scanner ay nabili umano sa halagang P2,950 per unit, gayung sa internet umano ay may mabibili sa halagang P400 hanggang P800.
Sinabi pa ng COA na bumili rin ang ahensiya ng mga bottled water at snacks na may kabuuang halaga na P300,000 sa isang caterer na may business address sa Quezon City.
“These items are available in supermarkets/hypermarkets within the vicinity of Pasay City,” ayon sa COA.
Inatasan ng COA ang hindi pinangalanang deputy administrator na ipaliwanag at patunayang tama ang naturang mga transaksiyon.
Samantala, hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng OWWA tungkol sa ulat ng COA.—FRJ, GMA News