Emosyonal na sinabi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III sa pinuno ng Commission on Audit na naapektuhan umano ang mga opisyal ng DOH sa inilabas na ulat ng COA tungkol sa umano'y deficiencies sa paggamit ng P67.3 bilyong pondo sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Public Accounts nitong Martes tungkol sa ulat ng COA, sinabi ni Duque na “sleepless” na umano ang mga opisyal ng DOH mula nang ilabas ng COA ang kanilang annual report.
Sa naturang taunang ulat ng COA patungkol sa paggamit ng pondo ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan, kasama sa pinuna ang DOH dahil sa mga deficiencies sa paggamit umano sa COVID-19 funds.
“I think COA should also consider that we are not operating under normal circumstances. We’re operating under a state of public health emergency,” paliwanag ni Duque.
“Winarak na ninyo kami. Winarak ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama dito,” patuloy niya.
Tinawag ni Duque na hindi patas ang COA dahil hindi raw nabigyan ng sapat na panahon ng DOH para maisumite ang mga kailangang dokumento na nakasaad sa rekomendasyon ng state auditor.
“Masakit po talaga sa amin ito dahil kami po ang pangunahing ahenysa na humaharap, tumutugon sa panahon na ito… Por Diyos, por santo, maawa naman kayo. Kayo nga ang pumunta rito at kayo ang gumawa,” giit niya.
Sinabi naman ni COA Chairperson Michael Aguinaldo, na sinunod nila ang lahat ng "due process" sa ginawang ulat. Kasama umano rito ang pakikipagpulong sa mga kinauukulang ahensiya at mga exit conference.
“So it’s not correct at all to say na walang due process,” ani Aguinaldo. “It’s not correct to say na hindi sila pinakinggan and all.”
Hindi rin daw inilabas ng COA ang ulat sa mga mamamahayag dahil ang kanilang annual audit report ay inilalabas at makikita sa kanilang website.
Sinabi rin ni Aguinaldo na wala silang natanggap na "pressure" para maglabas ng paglilinaw na wala silang binanggit na may katiwaliang naganap patungkol sa kanilang report sa COVID-19 funds ng DOH.
"I can assure the public that statement was not pressured. It was really our assessment... it was getting out of hand so we should at least clarify it," ayon kay Aguinaldo. —FRJ, GMA News