Matapos ang dalawang linggo, bahagyang naungusan ng mga bagong gumaling sa COVID-19, ang bilang ng mga bagong kaso ng nakahahawang virus.

Sa datong ng Department of Health, nakapagtala ng 10,035 na mga bagong kaso ng COVID-19, habang 10,858 na pasyente naman ang nadagdag sa listahan ng mga gumaling.

Gayunman, mayroon umanong anim na laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras.

Dahil sa 10,035 na mga bagong kaso, nasa 105,787 ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng patuloy na ginagamot at nagpapagaling.

Sa naturang bilang,  96.1% ang mild cases, 0.9% ang asymptomatic, 1.3% ang severe, at 0.7% ang kritikal ang kalagayan.

Samantala, umakyat naman sa 1,629,426 ang kabuuang bilang ng mga gumaling. Mayroon ding 96 na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga pumanaw.

Simula noong Agosto 3, unti-unti nang nahigitan ng mga bagong kaso ng nahahawahan ng virus ang bilang ng mga bagong gumaling.

Naitala ang pinakamalaking agwat noong Agosto 5 na mayroong 8,127 na mga bagong kaso, kumpara sa 4,343 na gumaling.

At sa sumunod na araw, 10,623 naman ang mga bagong kaso, kumpara sa 3,127 lang na naitalang mga bagong gumaling.

Sa nakalipas na tatlong araw, mahigit 14,000 ang naging mga bagong kaso ng COVID-19.—FRJ, GMA News