Tumaas pa ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na umabot sa 13,177, at mayroon pang apat na laboratoryo ang hindi umabot sa pagsumite ng datos sa takdang oras.

Ang naturang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ngayong Biyernes, ang pinakamataas mula noong Abril 2.

Ayon sa Department of Health (DOH), 1,713,302 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, samantalang lumobo naman sa 96,395 ang mga aktibong kaso, ang pinakamataas mula noong Abril 24.

Sa naturang bilang ng mga aktibong kaso, 95.8% ang mild cases, 1% ang asymptomatic, 1.4% ang severe, at 0.8% ang nasa kritikal na kondisyon.

Ayon pa sa DOH, 1,587,069 ang kabuuang bilang ng mga gumaling matapos na madagdagan ng 4,322.

Ito na ang ika-10 araw na higit na marami ang bilang ng mga naitatalang nahahawahan kaysa bilang ng mga gumagaling.

Samantala, 299 na pasyente naman ang nadagdag sa humahabang listahan ng mga nasasawi dahil sa COVID-19.

Mayroong 414 duplicate cases ang inalis sa tala, ayon sa DOH.

“Moreover, 10 cases previously tagged as recoveries have been validated to be active cases, and 175 cases that were previously tagged as recoveries were reclassified as deaths after final validation,” dagdag ng kagawaran.

Una rito, sinabi ng DOH na 11 lugar sa Metro Manila ang inilagay sa highest alert level ng COVID-19 dahil sa tumataas na bilang ng hawahan at nagagamit na hospital bed. —FRJ, GMA News