Hindi pa magpapaalam sa 2020 Tokyo Olympics si Carlo Paalam dahil tuloy ang paglaban niya para sa gold medal matapos niyang talunin si Ryomei Tanaka ng Japan sa semifinals ng men's flyweight division sa Kokugikan Arena nitong Huwebes.
Sa naging tagumpay ng 23-anyos na si Paalam, siguro na siya sa silver medal at posibleng maging ikalawang gold kung mananalo siya sa susunod na laban.
Sinikap ni Tanaka na maging agresibo sa laban pero mas naging epektibo ang taktika ni Paalam na nagpapakawala ng mga kombinasyon.
Sa huli, ibinigay ng limang hurado ang unanimous decision para sa pambato ng Pilipinas.
Makakaharap ni Paalam sa finals si Galal Yafai ng Great Britain.
Tinalo ni Yafai si Saken Bibossinov ng Kazakhstan via split decision sa kanilang semifinal bout.
Mayroon nang isang gold ang Pilipinas na nagmula sa weightlifter na si Hidilyn Diaz.
Ibinigay naman ni Nesthy Petecio ang silver medal mula sa pagsabak niya sa women's featherweight division.
Nitong Huwebes, bronze medal naman ang ambag ni Pinoy boxer Eumir Marcial matapos kapusin sa laban kay Oleksandr Khyzhniak ng Ukraine sa men's middleweight division.—FRJ, GMA News